Dagupan City – Itinuturing na isang mahalagang karagdagan sa hanay ng prosekusyon sina dating Senadora Leila de Lima at Atty. Chel Diokno.
Ito ang binigyang diin ni Atty. Francis Dominick Abril, isang Legal at Political Consultant, sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kaniya sa gitna ng umiinit na paghahanda para sa impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Ayon kay Abril, ang pagsali nina De Lima at Diokno sa House prosecution panel ay nagdadala ng “added value” dahil sa kanilang malawak na karanasan sa batas at sa pagsusulong ng karapatang pantao.
Aniya, ang dalawang abogado ay may integridad at kredibilidad sa larangan ng hustisya, kaya’t malaking tulong sila sa pagpapalalim ng argumento ng prosekusyon.
Hinggil naman sa kontrobersyal na pahayag ni Vice President Sara Duterte na maaaring maging isang “blood bath” ang impeachment, sinabi ni Atty. Abril na kilala na ang pamilya Duterte sa paggamit ng mga figures of speech o matatalinghagang pananalita.
Gayunpaman, aminado si Abril na kahit may mga kontrobersiya, kapansin-pansin pa rin ang patuloy na suporta ng publiko sa bise.
Samantala, kaugnay ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa courtesy resignation ng ilang miyembro ng kanyang gabinete, inamin ni Abril na maaaring indikasyon ito ng trust issues o kakulangan ng kumpiyansa ng Pangulo sa ilang opisyal.
Subalit nanawagan siya sa publiko na bigyan ng tiwala ang Pangulo.
Sa gitna ng mga isyung kinahaharap ng gobyerno, hinikayat ni Abril ang publiko na panatilihing buhay ang demokrasya sa bansa.