DAGUPAN CITY- Ikinasasabik ngayon ng mga Pilipino sa Paris, France ang muling paglahok ng isang Filipino tennis star na si Alex Eala sa isa sa pinakamalaking sport event sa buong mundo, ang Roland Garros o French Open 2025, makalipas ang ilang dekada.
Nakatakdang gaganapin ang naturang sport event sa Paris, France, mula May 25 hanggang June 8.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Leo Brisenio, Bombo International News Correspondent sa nasabing bansa, taon 1953 pa ang huling pagpapakitang gilas ng dalawang Pinoy tennis player sa nasabing palaro, ito ay sa katayuan nina Felicisimo Ampon at Raymundo Deyro.
Aniya, ang paglahok ni Eala ang nagpasiklab muli sa all-out na pagsuporta ng mga Pilipino sa France, lalo na sa social media.
Hindi pa rin kase nawawala ang init ng suporta mula sa Pilipino nang gumawa ng kasaysayan ang mga Filipino Athlete noong nakaraang taon sa Paris Olympics.
Maliban sa mga Pilipino, sabik na rin ang iba’t ibang tagasuporta ng bawat manlalaro at nagdulot ito ng pagkapuno ng mga hotel sa bansa.
Samantala, tinitiyak na rin ng French Government ang kalidad ng venue at pagkapasok nito sa international standard para opisyal na pagganapan ng isang sport event.
Hindi rin kase ordinaryong tennis court ang paggaganapan ng bawat laro at may kakaibang features ito na siyang tunay na nakakamangha.
Sinigurado na rin ang maayos na daloy ng trapiko patungo sa stadium.
Habang ang seguridad ay pinaghandaan na rin ng mga opisyal para sa kaligtasan ng bawat manonood at manlalaro.
Sinabi rin ni Brisenio na inaasahan ang magandang panahon sa nasabing sport event.