Iginiit ng Alliance of Health Workers (AHW) na ang kinakaharap na isyu ng Food and Drug Administration (FDA) kaugnay ng paglaganap ng pekeng gamot ay hindi lamang usapin na may kinalaman sa isang opisyal, kundi isang malubhang krisis sa kalusugan ng mamamayan.
Ayon kay Robert Mendoza, National Coordinator ng nasabing grupo ilegal at lubhang delikado ang bentahan ng pekeng gamot, lalo na’t direktang nalalagay sa panganib ang buhay ng mga pasyente.
Dagdag pa niya, ang mga health worker ang pangunahing sumasalo sa mga kaso ng komplikasyon at pinsalang dulot ng paggamit ng hindi lehitimong gamot.
Aminado si Mendoza na nahihirapan ang FDA na tuluyang sugpuin ang ganitong anomalya dahil sa kakulangan ng manpower, kahit pa aniya masipag at nagsisikap ang ahensya.
Isa rin umanong malaking salik ang kawalan ng malinaw at mahigpit na batas na magreregula sa online selling ng mga gamot.
Dahil dito, nanawagan ang grupo ng agarang pagpapatupad ng mas mahigpit na batas upang makontrol at ma-monitor ang bentahan ng mga gamot, lalo na sa online platforms.
Malaki umano ang maitutulong ng panukalang batas na isinusulong ni Senadora Risa Hontiveros na layong magpatupad ng registration at licensing system para sa mga nagbebenta ng gamot.
Sa ilalim ng panukala, mas magiging madali ang pagmo-monitor sa mga produktong ibinebenta at mabibigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na magbigay ng feedback batay sa kanilang aktuwal na karanasan sa mga nabiling gamot.
Nanawagan din ang grupo sa mga mambabatas na suportahan ang panukalang batas upang agad itong maisabatas, kasabay ng paalala sa publiko na maging mapanuri at maalam sa pagbili ng gamot.










