Apektado ang ilang magbabangus sa Pangasinan dahil sa patuloy na pag-ulan na nagdudulot ng pag-apaw at paglabo ng tubig sa mga palaisdaan. Bagama’t nakapaghanda ang ilan sa pamamagitan ng paglalagay ng fish net upang maiwasang makatakas ang mga alagang bangus, problema pa rin ang kondisyon ng tubig na nakaaapekto sa paglaki at kalusugan ng isda.
Ayon kay Joey De Leon, fishpond operator at miyembro ng Samahang Magbabangus sa Pangasinan, tumagal ang paglabo ng tubig kumpara sa mga naunang pag-ulan. Dahil dito, ilang bangus ang hindi maayos ang paglaki, nagkaroon ng mga sugat at kinailangang i-post-harvest upang kahit bahagi ng puhunan ay mabawi. Hindi na rin dinadala sa pamilihan ang mga isdang may sugat, kaya bumabagsak ang presyo at umaasa na lamang ang mga magbabangus na mabawi ang kanilang puhunan.
Iniuugnay rin ng ilang magbabangus ang kondisyon ng tubig sa posibleng pagguho ng lupa mula sa kabundukan sa bahagi ng Bugallon, Aguilar at Labrador tuwing malakas ang ulan. Dagdag pa rito ang biglaang pagbabago ng temperatura mula sa mainit na panahon patungo sa tuloy-tuloy na pag-ulan, na nakaaapekto umano sa mga alagang bangus. Sa Binmaley, inililipat naman ng ilang fishpond operator ang kanilang mga alaga sa mas ligtas na lugar, habang ang iba ay patuloy na inaalagaan ang kanilang mga palaisdaan dahil wala silang malipatan.
Patuloy din ang problema sa pagbebenta ng semilya dahil sa masamang panahon, bagama’t wala pa umanong nakikitang banta sa suplay ng bangus. Sa ngayon, wala pa ring natatanggap na bagong ayuda ang sektor mula sa pamahalaan. Umaasa ang mga magbabangus na muling mabibigyan ng fingerlings, gaya ng natanggap nila mula sa BFAR noong nakaraang taon, upang makatulong sa pagbangon ng kanilang kabuhayan.










