BOMBO DAGUPAN- Lantaran ang pagkampi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at mas tumindi ang paglaban nito sa West Philippine Sea kaya lalon pang humigit ang nararanasang panghaharass ng mga mangingisda mula sa China.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Pablo Rosales, National Chairperson ng Pangisda Pilipinas, kumpara sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na naging bukas ito sa China at Estados Unidos, mas tinapangan naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglaban nito para sa West Philippine Sea.
Aniya, nakakaranas din ng panghaharass mula sa China noong administrasyong Duterte subalit mas malaya naman silang nakakapangisda.
At dahil mas naging klaro ang paglaban ni Pangulong Marcos, kapalit naman nito ang pagpapahirap para sa hanapbuhay ng mga mangingisdang Pilipino.
Lumalabas lamang na para bang paghahanda na ito sa pakikipag-gyera at kung hindi aniya babaguhin ni Marcos ang pagsunod nito sa Estados Unidos at paglulunsad ng war exercises ay mas lalo lamang titindi ang sigalot sa karagatan.
Kaugnay nito, nasa kabilang panig naman ng mundo ang Estados Unidos kaya hindi sila aabutin ng gyera kung sakaling sumiklab ito.
At lalo lamang makakaapekto sa bansa ang papalit na pangulo ng nasabing kaalyado.
Para kay Rosales, hindi sasapat ang mga armas at preparasyon ng bansa kumpara sa kung gaano kalaki ang China.
Kaya dapat mas tumindig pa ang bansa bilang isang soberanya at magpatupad ng mga patakaran nang hindi nakikinig sa mga dayuhang bansa.
Naniniwala siya na magkakaroon lamang ng kaayusan kung susunod sa International law ang bawat bansa at ginagalang ang bawat patakaran panloob ng mga bansa. Kasunod na nito ang pagkakaroon ng mas mapayapang pag-uusap para sa pagresolba ng sigalot.
Panawagan naman ni Rosales kay Pangulong Marcos na panagutin ang mga dayuhan na lumalabag sa batas sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.