Ang simpleng pag-atras sa pangakong pagpapakasal ay hindi itinuturing na krimen sa ilalim ng batas ng Pilipinas, gayunman, maaari itong magkaroon ng criminal liability kung ang ginawa ng isang lalaki ay nagdulot ng psychological abuse o psychological violence sa babaeng kanyang karelasyon, partikular sa mga sitwasyong saklaw ng Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act.

Sa panayam kay Atty. Joey Tamayo ipinaliwanag niya na mahalagang paghiwalayin ang tinatawag na breach of promise to marry at ang mga kilos na maaaring bumuo ng psychological violence.

Aniya maaaring pumasok sa ilalim ng RA 9262 ang isang insidente kung mayroong psychological violence na nagdulot ng seryosong epekto sa babae.

--Ads--

Kabilang sa maaaring tingnan, aniya, ang resulta ng psychological o psychiatric assessment na maaaring magpakita ng depression, anxiety, matinding kalungkutan, pagkabalisa o pagbabago sa normal na pag-iisip at pamumuhay ng biktima.

Maaari ring maging mahalagang konsiderasyon ang mga kilos na nagdudulot ng kahihiyan, panghihiya o pampublikong paghamak kung nagkaroon ito ng seryosong epekto sa psychological well-being ng babae.

Binigyang-diin ni Tamayo na ang breach of promise to marry, sa sarili nito, ay hindi krimen.

Gayunman, kung may iba pang elemento gaya ng psychological abuse maaaring magkaroon ng hiwalay na pananagutan sa ilalim ng RA 9262.

Para sa isang criminal case, kailangang mapatunayan, bukod sa iba pang requirements, ang pagkakaroon ng relasyon na saklaw ng batas at ang mga partikular na salita o kilos na nagdulot ng psychological violence sa biktima.