Itinuturing ni legal consultant at political analyst Atty. Francis Dominick Abril na isang mahalagang hakbang sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang pag-apruba ng Senate Impeachment Court sa pagkuha ng ilang financial at tax records ng bise presidente, ng kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio, at ilang kaugnay na korporasyon.

Sa panayam sa Bombo Radyo, sinabi ni Abril na ang naturang mga dokumento ay maaaring magsilbing mahalagang ebidensya sa pagtukoy kung may batayan ang alegasyon ng “unexplained wealth.”

Ayon kay Abril, may karapatan pa rin ang kampo ni Duterte na magsampa ng motion for reconsideration o iba pang legal na hakbang kaugnay ng naging desisyon ng impeachment court.

--Ads--

Gayunman, sinabi niyang limitado ang panahon ng depensa dahil itinakda ang Hulyo 30 bilang deadline sa pagsusumite ng mga hinihinging dokumento.

Bagama’t maaari ring dalhin sa Korte Suprema ang ilang usaping legal, ipinaliwanag niyang sa pangkalahatan ay hindi maaaring makialam ang hudikatura sa kapangyarihan ng Senado bilang impeachment court, maliban kung may malinaw na constitutional issue.

Naniniwala rin si Abril na makabubuti sa depensa kung boluntaryo nilang ihaharap ang mga hinihinging dokumento upang maipakita ang pagiging transparent.

Aniya, kung walang itinatagong iregularidad, ang pagpapakita ng mga rekord ay maaaring magsilbing ebidensiya upang mapawalang-sala ang bise presidente.

Tungkol naman sa posibilidad na tumanggi ang mga bangko na ilabas ang bank records ng pamilya Duterte, sinabi ni Abril na bagama’t pinoprotektahan ng batas ang confidentiality ng bank deposits, hindi ito ganap na absolute.

Ipinaliwanag niyang kung may legal na utos mula sa isang may awtoridad na tribunal gaya ng Senate Impeachment Court, maaari pa ring obligahin ang mga bangko na isumite ang mga kinakailangang dokumento.