Isang malaking hakbang para sa tunay na representasyon ng kabataan at mga sektor na hindi naririnig sa pamahalaan ang desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na tuluyan nang kanselahin ang pagpaparehistro ng Duterte Youth Partylist.

Ayon kay Rep. Renee Co ng Kabataan Partylist, ang hakbang na ito ay isang matagal nang inaasahang tagumpay laban sa maling representasyon sa Kongreso.

Ibinahagi niya na matagal nang hinihintay ng kanilang grupo ang desisyon ng COMELEC na sana ay inilabas pa noong 2020.

--Ads--

Dagdag pa niya na hindi totoo ang mga pahayag ng Duterte Youth Partylist na nagsisilbing representasyon ng kabataan.

Sa halip, idinagdag niya na ang grupo ay hindi nakapagbigay ng tunay na serbisyo at boses sa mga kabataang Pilipino.

Kasunod ng desisyon ng COMELEC, nagbigay si Rep. Co ng panawagan na dapat agad na punan ang tatlong bakanteng puwesto sa partylist system.

Kung saan ipinaabot din niya ang kanilang suportang iproklama ang Gabriela Partylist, isang grupo na ayon sa kanya ay patuloy na nagsusulong ng mga karapatan at kapakanan ng kababaihan at iba pang sektor ng lipunan.

Ayon naman sa COMELEC, ang Duterte Youth Partylist ay hindi nakapagkumpleto ng mga kinakailangang registration requirements, kaya’t nagdesisyon ang ahensya na tuluyang kanselahin ang kanilang registration.

Isa ito sa mga pangunahing dahilan ng pagtanggi sa kanilang aplikasyon upang maging opisyal na partylist sa ilalim ng sistema ng partylist sa bansa.

Isa pa sa mga malalaking isyu na itinaas ni Rep. Co laban sa Duterte Youth Partylist ay ang kawalan ng malinaw na legislative agenda.

Ayon sa kanya, ang grupo ay walang konkretong plano at malinaw na direksyon para sa mga kabataan at marginalized sectors ng lipunan, kaya’t hindi ito nararapat na magtaglay ng posisyon sa Kongreso.

Habang pinal na ang desisyon ng COMELEC, may karapatan pa ring umapela ang Duterte Youth Partylist sa Korte Suprema.

Subalit, itinuturing na ng mambabatas na walang sapat na basehan ang grupo para magtagumpay sa apela.

Samantala, binigyang-diin din ni Rep. Co ang kahalagahan ng paglilinis sa sistema ng pamahalaan upang matigil ang paglaganap ng mga pekeng partylist at korupsyon.

Patuloy naman ang kanilang panawagan para sa isang malinis, tapat, at tunay na representasyon sa Kongreso.