BOMBO DAGUPAN – May basehan ng pagkansela ng Department of Justice ng pasaporte ni dating Negros Oriental Arnolfo Teves Jr.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, constitutional lawyer sa Pangasinan, wanted si Teves sa kasong murder at naging fugitive kung saan nagtatago sa East Timor at tinagurian din siyang terorista.
Hinihinalang dumaan si Teves sa back door o kaya naman ay gumamit ng Philipine passport kaya walang aberya ang kanyang paglabas ng bansa.
Paliwanag ni Cera na ang pankansela sa kanyang pasaporte ay para mapigilan siyang pumunta saan mang bansa. Magiging illegal umano ang pananatili sa ibang bansa kaya mapipilitan din siyang bumalik sa bansa.
Dagdag pa niya na puwede lang mapuwersang pabalikin sa bansa ang isang fugitive kung mayroong extradition treaty.
Ngunit kung walang extradition treaty ay maari namang hilingin ng bansa na makipag cooperate ang mga otoridad doon para arestuhin ang isang fugitive at sila ang magpapadala dito.
Samantala, sa usaping paghingi ni Teves ng political asylum, nilinaw ni Cera na malabong mapagbigyan ito sa ilang kadahilanan.
Ang pagkansela ng pasaporte ni Teves ay dahil sa patuloy nitong pagtanggi na umuwi ng Pilipinas at harapin ang mga kasong isinampa sa kanya, kaugnay nang pagpatay sa yumaong si Negros Oriental Governor Roel Degamo.