Mahigpit na ipinaalala ng pamahalaang bayan ng Mangaldan, Pangasinan katuwang ang National Meat Inspection Service, ang pagbabawal sa pagkatay ng baboy, baka, kalabaw at manok sa mga pribadong bahay o bakuran.
Sa isang pagpupulong kasama ang mga meat vendor at stakeholder, tinalakay ang pagpapaigting ng pagpapatupad ng umiiral na regulasyon.
Binigyang-diin na dapat sa mga awtorisadong slaughterhouse at dressing plant lamang isinasagawa ang pagkatay upang matiyak ang maayos at ligtas na pagproseso ng karne bago ito dalhin sa pamilihan.
Layunin nitong maiwasan ang pagkalat ng sakit mula sa hayop at maprotektahan ang kalusugan ng publiko.
Ipinaalala rin na ang mga karneng ibinebenta sa palengke ay kailangang may kaukulang Meat Inspection Certificate, at sumailalim sa pagsusuri laban sa mga sakit tulad ng African Swine Fever at iba pang food-borne diseases.
Maglalagay ang lokal na pamahalaan ng one inspection station sa meat section ng palengke upang higpitan ang beripikasyon ng mga dokumento at tiyakin ang pagsunod sa mga patakaran.
Patuloy ang koordinasyon ng LGU at NMIS para sa maayos na pagpapatupad ng mga regulasyon sa industriya ng karne.









