DAGUPAN CITY- Muling binuksan ang pagkakataon na makapagrehistro ang mga unconsolidated jeepney drivers para sa PUV Modernization Program.

Sa panamay ng Bombo Radyo Dagupan kay Liberty De Luna, National President, Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), batay sa kanilang pinag-usapan kasama ang Department of Transportation (DoTr) ay limitado lamang ang ibibigay na ekstensyon para sa mga ito.

Kaya sa pagkakataon na ito ay umaasa sila na makakapag-consolidate na ang mga ito dahil hindi na umano mapipigilan ang pag-usad ng modernization program.

--Ads--

Gayunpaman, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi pa papayagan na pumasada ang mga ito habang pinag-aaralan pa ng komite ng DoTr ang dokumento ng mga unconsolidated para sa pagpaparehistro sa programa.

Masusi ang magiging proseso dahil kabilang sa tinitignan ay kung kolorum ang mga ito at aalamin din ang kanilang pag-aklas.

Hindi naman tutol si De Luna kung papayagan ang mga ito na pumasada muli basta lamang ay umuusad din ang proseso para sa mga nakapag-consolidate na.

Samantala, sinabi ni De Luna na hindi naman kalakihan ang buwanang bayarin ng mga nakapag-consolidate na at lumalaki lamang ito sa assessment ng franchise extension. Ang assessment na ito ay ang buwis na binabayaran upang ma-extend pa sa karagdagang 5 taon ang prangkisa.

Sa kabilang dako, pinaalala ni De Luna sa mga kapwa nasa transport sector na mag-ingat sa init ng panahon at sa paparating na Holy Week.

Aniya, palaging magdala ng mga panangga at panlaban sa matinding init. Maglaan ng oras para makapagpahinga lalo na sa tuwing walang gaanong pasahero.

At sa nalalapit na Holy Week, mainam aniyang maglaan ng panahon upang makapagpahinga at makapagnilaynilay sa Panginoong Hesu Kristo.