DAGUPAN CITY- Malaki ang magiging ambag ng isang One Town, One Product (OTOP) upang mapalawig pa ang turismo sa isang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vangeline Marie M. Dadat, Regional Director ng Department of Tourism Region I, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pasalubong sa kulturang Pilipino.
Aniya, natural na mahilig sa pasalubong ang mga Pilipino kaya’t mahalagang i-maximize ang programang One Town, One Product (OTOP).
Hinikayat niya ang paggawa ng mga produktong maaaring gawing pasalubong, dahil bukod sa ito ay bahagi ng kultura, maaari rin itong pagkakitaan ng mga lokal na residente.
Dagdag pa niya, dapat laging handa ang mga destinasyon sa pagtanggap ng mga turista, dahil isa ito sa mga domino effect ng turismo, at kapag dumarami ang turista, dumarami rin ang oportunidad sa negosyo at hanapbuhay.
Binanggit din niya na malaki ang bahagi ng turismo bilang bahagi ng pag-unlad ng isang pamayanan.