Posibleng maglunsad ng HIV Hub ang Provincial Health Office ng Pangasinan para mapalakas pa ang pagtutok sa mga kaso ng Human Immuno-Defiecency Virus o HIV sa lalawigan.

Ayon kay Dr. Ma. Vivian V. Espino ang Officer In charge sa nasabing Opisina na kasalukuyan parin silang naghahanap ng ospital mula sa 14 na DOH Hospital sa lalawigan na maaring paglagyan nito.

Kinokonsidera din nila ang kinakailangan na training ng mga ilalagay na doktor at iba pang health workers na mangunguna dahil hindi biro ang mangasiwa nito.

--Ads--

Saad nito na may nakita na silang magandang lokasyon ngunit marami pang kailangan na pag-aralan upang mailunsad ito kaya kailangan pa ng resolution mula sa Sangguniang Panlalawigan para sa posibleng mga polisiya at mekanismo ng pagpopondo upang maitatag ang panukalang HIV hub sa Pangasinan

Ang inisyatiba ng pagkakaroon nito ay bilang tugon sa lumalalang sitwasyon ng HIV sa lalawigan, kung saan sa pinakahuling datos ay umabot na sa mahigit 50 ang naging kaso mula enero hanggan sa unang linggo ng Agosto kung saan halos may mga mataas na kaso ang 3 syudad na sakop nila gaya ng Urdaneta , San Carlos at Alaminos na matataong lugar at nakitaan ng madaming night life activity .

Layunin ng hub na maging sentralisadong pasilidad para sa pagsusuri, pagpapayo, at paggamot ng HIV ngunit hindi lamang ito magsisilbing lugar para sa screening kundi pati na rin sa pagtugon sa mga medikal, sosyal, at mental na pangangailangan ng mga pasyente.

Ngunit marami ang kailangan panv konsiderasyon upang protektahan ang privacy at dignidad ng mga apektado.

Sa pamamagitan din kasi nito ay magkaroon ng ligtas at suportadong kapaligiran para sa mga indibidwal na may HIV, lalo na’t patuloy pa rin ang stigma na nakapaligid sa sakit na ito.

Mahalagang hakbang ito upang mapalakas ang paglaban sa HIV at suportahan ang mga indibidwal na apektado nito sa lalawigan.