DAGUPAN, CITY— Isa ang pagkakaroon ng delta variant cases ang nakikitang dahilan ng Department Of Health (DOH) Region 1 sa muling pag-akyat ng bilang ng COVID-19 cases sa rehiyon.
Ayon kay Dr. Rhuel Bobis, Medical Officer IV ng naturang tanggapan, dahil kilala ang naturang variant na madaling maihawa sa tao, malaki umanong factor kung kaya biglang tumaas ngayon ang kaso ng nabanggit na sakit sa Region 1.
Kaya naman aniya, napakahalaga na sumunod sa ipinapatupad na health protocols at magpabakuna laban sa COVID-19 upang magkaroon ng karagdagang proteksyon at makaiwas mula sa matinding banta ng nabanggit na sakit.
Saad pa ni Bobis, sa kanilang pinakahuling datos, nasa 42,738 confirm cases sa rehiyon at 394 dito ang new cases, 33,580 naman na ang nakarekober, at 945 naman ang nasawi.
Sa ngayon ay nasa 6 na delta variant cases na ang naitala sa rehiyon kung saan sa nasabing bilang, 5 na kaso ang naitala sa Ilocos Norte, at 1 kaso naman sa lalawigan ng Pangasinan.
Samantala, pinag-aaralan pa ng surveillance unit ng kanilang tanggapan ang napa-ulat na karagdagang 7 kaso ng naturang variant sa Ilocos Norte.