Dagupan City – Tukoy na ang pagkakakilanlan ng isang katawan ng lalaki sa dalawang bangkay na natagpuang palutang-lutang kamakailan sa Pantal River sa Barangay Pantal sa lungsod ng Dagupan habang ay isa naman dito ay hindi pa nakikilala.

Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Plt. Jailine Aquino, Station Duty Officer at Women and Children Protection Desk Office na kinilala ang unang bangkay na si Allan Carlos Cisnero, 33-anyos, residente ng Barangay Mangin sa lungsod.

Agad naman nang nakuha ang katawan nito ng Pamilya at lumalabas sa kanilang salaysay sa kapulisan na nakikitang sanhi ng pagkakalunod nito ay dahil sa Mental Health Issues sanhi ng Depression.

--Ads--

Habang ang isa naman ay nakalagak parin ang katawan sa isang funeraria sa bayan ng Calasiao na patuloy parin ang ginagawa nilang imbestigasyon para malaman ang katauhan nito.

Nasa edad 18 – 20 ang gulang ang isang bangkay na may tangkad na 5’2, may fair complexion at katamtaman lamang ang katawan.
Batay sa imbistigasyon, nangyari umano ang ulat na ito nang may nakapagbigay alam sa kanila na kawani ng Barangay Peacekeeping Action Teams sa nasabing Barangay na may namataan na 2 bangkay na naanod sa kanilang ilog bandang hapon ng Sabado Agosto 24.

Dahil dito agad namang rumesponde ang kapulisan kasama ang isang doktor na tumingin sa mga ito kung saan napag-alaman sa initial findings na asphyxia sanhi ng pagkalunod at wala namang nakitang mga sugat o galos ang buong katawan ng mga ito kaya hinihinalang walang nangyaring foul play sa insidente.

Dagdag nito, nasa 100 metro umano ang layo ng isa’t isa nang makita ito at kasalukuyang inaalam pa rin ng kapulisan kung bakit napadpad ang dalawa sa lugar at saan nangyari ang kanilang pagkalunod.

Samantala, saad naman ni Plt. Aquino na may mga kaso na rin umano silang naitatala na kahalintulad nito sa mga nakalipas na buwan ngayong taon na mabilis nilang nalalaman ang pagkakakilanlan kaya nanawagan ito sa mga residente ng Dagupan o kalapit bayan kung may kakilala o kamag-anak silang nawawalang na marapat lamang na dumulog sa kanilang himpilan upang malaman ang katauhan ng isang bangkay.