Dagupan City – Hindi nakikitaang masisibak sa pwesto si House Speaker Martin Romualdez sa House of Representatives kahit pa nadawit umano ang kaniyang pangalan sa anumalya sa flood control projects.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Constitutional Law Expert and Political Analyst, bagamat may mga isyu kasing lumalabas, makikita naman aniyang nananatiling matatag ang kanyang suporta mula sa mga kongresista.
Aniya, sa kasalukuyang kalagayan kasi mas malakas ang suporta ng mga miyembro ng Kongreso kay Romualdez, kaya inaasahan na mananatili siya bilang House Speaker hanggang sa susunod na taon batay sa bilang ng mga pabor sa kanya.
Gayunpaman, hindi pa rin inaalis ni Yusingco ang posibilidad na humina ang kanyang posisyon kung bumaba ang mga insertions na hawak niya, dahil ito ay isang mahalagang salik sa kanyang impluwensya sa kapulungan.
Panawagan nito sa publiko na maging mapanuri sa pagboto upang matigil ang korupsyon sa bansa. Isa sa mga paraan upang magawa ito ay ang pagpapalit sa mga taong muling iboboto sa eleksyon.