DAGUPAN CITY- Nagpahayag ng pagkadismaya ang Federation of Free Workers sa pagharang para sa panukalang dagdag na ₱200 sahod para sa mga manggagawa, lalo na at marami sana ang matutulungan nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Julius Cainglet, Vice President, Federation of Free Workers, inihayag niya ang pagkadismaya sa tila “pagpatay” panukalang dagdag na ₱200 sahod para sa mga manggagawa.

Aniya, nagkakaroon lamang ng turuan sa pagitan ng mga sangay ng pamahalaan.

--Ads--

Binanggit din niya na kahit aprubado ang ₱200 dagdag, kulang pa rin ito upang matugunan ang tinatawag na “living wage” o sahod na sapat para sa disenteng pamumuhay ng isang manggagawa.

Dagdag pa niya, isa sa mga nakikitang balakid sa pagsusulong ng dagdag-sahod ay ang mga kasalukuyang isyung pulitikal, partikular ang impeachment complaint na umuugong ngayon.

Hanggang ngayon, nananatiling nakabinbin ang usapin sa dagdag-sahod, at umaasa ang mga manggagawa na mabibigyan ito ng kaukulang pansin sa lalong madaling panahon.