DAGUPAN CITY- Patuloy na kinakaharap ng Malasiqui Public Market ang isyu ng talamak na nakawan at pagkalat ng pekeng pera.

Apektado sa insidenteng ito ang mga vendor na siyang direktang nalalagay sa panganib at nawawalan ng kita.

Ayon sa ulat mula kay Regino Solis, ang market supervisor, tumataas ang bilang ng mga kaso kung saan pekeng pera ang naibabayad sa mga tindero.

--Ads--

Marami sa mga vendor ang hindi agad namamalayan na peke ang pera kaya nalulugi sila sa halip na kumita.

Bukod sa isyu ng pekeng pera, nananatili rin ang problema ng nakawan sa palengke.

May mga ulat ng pagnanakaw sa mga paninda at kita ng ilang vendor.

Apektado nito ang kabuhayan ng mga maliliit na negosyante sa lugar.

Sa pahayag ni Solis, ang palengke ay isa sa pangunahing pinagkukunan ng kita ng mga residente sa Malasiqui, kaya ang mga ganitong insidente ay nagdudulot ng pangamba at pagkalugi sa mga namumuhunan sa lugar.

Ipinapaabot ng pamunuan ng palengke ang kahalagahan ng pagtutulungan upang matugunan ang mga suliraning ito at mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa pamilihan.