Dagupan City – Posibleng masama ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya matapos tuldukan ng Office of the Ombudsman ang usapin patungkol sa pagkukunsidera sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya bilang mga state witness.

Sa naging panayam ng ombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst, ang pagiging hostile witnesses ng mag-asawang Discaya ay nangangahulugan na hindi na sila kinokonsidera bilang state witnesses at maaari na silang isama sa mga akusadong bahagi ng conspiracy indictment.

Paliwanag ni Yusingco, kung mapatunayan sa mga susunod na pagdinig na may sala ang mag-asawa, kinakailangan nilang isauli ang mga umano’y nakuhang yaman.

--Ads--

Dagdag pa niya, tila nagiging cooperative ang mag-asawa ngunit mahirap silang bigyan ng immunity dahil batay sa kanilang mga naging pahayag sa Blue Ribbon Committee, hindi sila maituturing na least guilty.

Binigyang-diin ni Yusingco na kailangang maging maingat ang mga prosecutor sa case buildup upang maiwasang madismiss ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya o sa kahinaan ng pagprosecute.

Ayon pa sa kanya, ang layunin ay maging pulido ang kaso upang makamit ang hustisya at ma-convict ang mga tunay na may kasalanan.

Iminungkahi rin ni Yusingco na upang hindi mawalan ng tiwala ang publiko, dapat buksan ng Office of the Ombudsman ang imbestigasyon at ipakita sa mamamayan ang proseso ng kaso.

Dito na niya ipinaliwanag na ayon sa Saligang Batas, ang Ombudsman at ang kanyang mga deputy ay protektor ng publiko laban sa korapsyon, ngunit kung palaging nagtatago ang tanggapan, nagmumukha itong tagapagtanggol ng mga opisyal sa halip na ng mamamayan.

Giit ni Yusingco, panahon na upang ipakita ng Ombudsman ang ganap na pagiging bukas at tapat sa paghawak ng mga kasong may kinalaman sa katiwalian.