Dagupan City – Naging daan ang pagiging bukas sa Investment at negosyo ng Singapore upang mapabilang sa wealthiest city in the world.
Ito ang ibinahagi ni Orion Dumdum, Former Bombo International News Correspondent sa Singapore. Aniya, kung titignan kasi ay masasabing maliit lamang na bansa ang Singapore at sa katunayan ay malaki pa ang bahagi ng Luzon o katumbas lamang ito ng Metro Manila. At kung ihahalintulad naman ito sa isang isla sa pagitan ng Indonesia na tinatawag na sumatra ay mas malaki pa ito kaysa sa nasabing bansa.
Kaugnay nito, bagama’t maliit aniya ang Singapore, ay maituturing na mayaman naman ito. Isa naman sa daan kung bakit nakamit ang nasabing pagkilala aniya ay ang mga stratehiya, pag-engganyo ng mga ito sa foreign investments, at pagiging bukas nito sa pag-upgrade at pagtutok sa mga Information Technology.
Ibinahagi naman ni Dumdum na walang magsasaka sa nasabing bansa, at pawang mga industrial powerhouse lamang ang mga makikita dito.
Samantala, sinabi naman nito na hindi nagiging basehan sa bansa ang pagkakaroon ng degree upang umasenso, dahil maraming job offerings na naghihintay sa mga ito.