Dagupan City – Isang bagong hamon sa pamumuno kay Manaoag Mayor Jeremy Agerico “Doc Ming” Rosario ang pagkakatalaga nito bilang bagong Presidente ng League of Municipalities of the Philippines Pangasinan Chapter matapos magresign si Former LMP President Lingayen Mayor Leopoldo Bataoil.
Kamakailan ay pormal nitong tinanggap ang tungkulin sa pamamagitan ng simpleng turnover at oath taking ceremony sa Urduja House sa bayan ng Lingayen sa pangunguna ni Governor Ramon ” Mon-Mon” Guico III kasama si DILG Provincial Director Virgilio Sison, Lingayen
Mayor Leopoldo Bataoil, Representative ng National Headquarters ng LMP na si Atty. Mary Ann De Vera at iba pang witness.
Buong puso umanong tinanggap ni Mayor Rosario ang bagong posisyon, na naglalayong pamunuan ang samahan ng mga alkalde sa Pangasinan.
Aniya na bilang presidente, responsibilidad niyang maging aktibo sa Regional Development Council (RDC) at sa mga gawain ng Region 1 LMP Presidents kung saan Pinaghahandaan na nila ang pagiging host ng Pangasinan sa pulong ng RDC sa susunod na buwan.
Isa rin sa kanyang magiging tungkulin ang paghahatid ng mga updates mula sa National Headquarters patungo sa mga lokal na alkalde sa lalawigan upang magkaroon sila ng kaalaman sa mga pangyayari sa bansa at ang mga patakarang maaring ipatupad sa kanilang mga bayan o lungsod.
Maliban dito ay magkakaroon sila ng pagpupulong tungkol sa bakanteng pwesto sa kanilang Samahan upang mapag-usapan dito kung sino ang papalit dahil sa kanyang pag-akyat sa puwesto.
Ayon kay Mayor Rosario, pitong buwan lamang ang kanyang panunungkulan bilang presidente, dahil sa papalapit na eleksyon.
Ikinatuwa naman ng mga mamamayan ng Manaoag ang kanyang pag-upo sa pwesto dahil isang makasaysayang pangyayari ito, dahil siya ang kauna-unahang alkalde mula sa kanilang bayan na naging pangulo ng LMP Pangasinan Chapter.
Pinangako naman nito gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya upang gampanan ang kanyang bagong tungkulin. (Oliver Dacumos)