BOMBO DAGUPAN- Inaasahan ng Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers (ASSERT) na susuportahan ni bagong Department of Education Secretary Sonny Angara ang senate bill nito noong 2014 na magtataas umano ng sahod ng mga guro sa Salary grade 19.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Arlene James Pagaduan, Presidente ng ASSERT Central Luzon Education Sector, nauna nang naging pahayag ng bagong kalihim na buong suportado nito ang pagpapataas ng sahod ng mga guro.
Kaya labis na niniwala si Pagaduan na si Angara ang tamang opisyal para maging kalihim ng edukasyon dahil sa puso nito sa pagpapabuti ng educational system ng bansa.
Katulad aniya kase siya ng kaniyang ama na namuno sa Education Commission (EdComm) noong 1991, kung saan suportado din ng nasabing komisyon ang pagpapataas ng sahod ng mga kaguruan.
Kaugnay nito, inaasahan ni Pagaduan na si Angara ang mag aangat ng kalidad sa edukasyon ng bansa.
Samantala, hinihiling din niya na tignan ng bagong kalihim ang kalagayan ng edukasyon sa bansa partikular na sa kinakaharap nitong krisis.
Sapagkat, kabilang sa kanilang pinapanawagan ang pagtanggal ng mga mabibigat na paperworks sa mga guro, dahil balakid lamang ito para sa kanilang mas magandang performance sa pagtuturo.
Hindi kase ito naisakatuparan ng nakaraang namuno kahit ipinangako ito sa kampanya nito.
Dagdag pa ni Pagaduan, nakadepende kay Angara kung magtutuloy-tuloy ang Matatag Curriculum.
Maaari aniya gamitin ng kalihim ang mga ‘findings’ sa nasabing curriculum upang matiyak ang pagtutulungan ng mga bumubuo sa kagawaran ng edukasyon.