DAGUPAN CITY- Nakikitang solusyon ng mga awtoridad sa Barangay Poblacion Oeste, lungsod ng Dagupan sa matinding pagbaha sa kanilang lugar ang pagpapalalim ng Careenan Creek.
Ang nasabing barangay ay isa sa mga nakaranas ng matinding pagbaha kamakailan dahil sa magkakasunod na bagyo.
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin tuluyang humuhupa ang pagbaha sa ilang bahagi ng barangay dahil sa walang maayos na dadaluyan ang tubig.
Ayon kay Brgy Capt. MacMac Gutierrez, ngayon lang muling naranasan ang ganitong taas ng tubig mula nang siya ay manungkulan.
Dahil dito, apektado ang kabuuang komunidad, at tinatayang nasa 150 pamilya ang inilikas bilang pag-iingat.
Isa sa mga tinitingnang hakbang para maresolba ang sitwasyon ay ang pagpapalalim sa Careenan Creek isang pangunahing daluyan ng tubig sa lugar.
Layunin nitong maiwasan ang pag-apaw ng tubig tuwing malakas ang ulan.
Suportado naman ng lokal na pamahalaan ang naturang proyekto at inaasahang masisimulan ito sa susunod na taon bilang bahagi ng flood mitigation program ng lungsod.