Dagupan City – Hudyat na tatagal pa ang proseso ng impeachment case ni Vice President Sara Duterte sa paghirit nito ng Certiorari at Prohibition sa Korte Suprema.
Kung saan, kinumpirma ng Korte Suprema nitong Miyerkules na nagsampa si Vice President Sara Duterte ng temporary restraining order (TRO) at writ of preliminary injunction upang pigilan ang pag-usad ng impeachment proceedings laban sa kanya.
Ayon kay Atty. Francis Dominick Abril, Legal at political consultant, may mga mahalagang isyu sa proseso ng impeachment na dapat isaalang-alang:
Una, Konstitusyonal na Probisyon ng “Forthwith” – ayon kay Abril, nakasaad sa Konstitusyon na kahit naka-break ang Senado, dapat magpatuloy ang impeachment trial dahil ito ay hindi dapat maantala.
Pangalawa, Pagtawag ng Senado sa Sesyon – Idinagdag niya na ang Senado bilang legislative body ay nagfu-function lamang kapag may nakatakdang sesyon. Kaya’t mahalaga ang malinaw na iskedyul para sa impeachment trial.
Sinabi rin ni Abril na ang pagsampa ng Certiorari at Prohibition ni Duterte ay isang hakbang upang ipatigil ang proseso ng impeachment sa pinakamataas na hukuman ng bansa.
Matatandaan na sa petisyon, kinuwestiyon ni Duterte ang bisa at konstitusyonalidad ng ikaapat na impeachment complaint na inendorso ng House of Representatives sa Senado noong Pebrero 5, 2025. Binigyang-diin niya na ang unang tatlong reklamo ay hindi naipasa ng House Secretary General Reginal Velasco kay House Speaker Martin Romualdez, ngunit ang ikaapat, na pirmado ng 215 kongresista, ay tuluyang isinulong.
Paliwanag ni Abril na ang impeachment proceedings ay kumakain ng maraming pondo at oras, kaya;t kung titingnan kung sino talaga ang talo dito, iyun ay ang taumbayan.