DAGUPAN CITY- Napapaulat kamakailan ang ilan sa mga jeepney dirver na nagsasabit ng karatula na may mensaheng humihingi ng kaunting tulong o dagdag pamasahe sa mga pasahero.

Ayon kay Liberty De Luna, National President ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), hindi pinapayagan ng mga awtoridad tulad ng Land Transportarion Franchising Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) ang ganitong gawain, at maaaring maparusahan ang mga driver at operator kapag nahuli o naisumbong ng mga pasahero.

Ipinaliwanag na ginagawa ito ng ilang tsuper dahil sa hirap na kumita, lalo na’t tumataas ang presyo ng petrolyo na siyang dahilan din ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado at grocery.

--Ads--

Para sa kanila, hindi ang pamasahe ang pangunahing sanhi ng pagmahal ng mga produkto kundi ang pagtaas ng diesel.

Binigyang-diin din na kung hindi sapat ang kinikita, napipilitan ang ibang driver na pansamantalang tumigil sa pamamasada o maghanap ng ibang mapagkakakitaan upang matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan.

Paulit-ulit na panawagan ng grupo sa pamahalaan, pati na sa mga operator at driver, na magtulungan at magkaunawaan sa gitna ng krisis, kabilang ang pagrepaso sa sistema ng boundary upang matiyak na may maiuwing sapat na kita ang mga tsuper para sa kanilang pamilya.