DAGUPAN CITY- Isang magandang indikasyon sa paglaban sa plastic pollution ang paghikayat ni Sen. Loren Legarda sa pag-recycle at pagtigil sa paggamit ng single-use plastic.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ninya Sarmiento, Plastic Solutions Campaigner ng Ecowaste Coalition, naniniwala sila na mas mapapatibay ang implementasyon nito kung magkakaroon ng pambansang polisiya na sumosoporta.

Aniya, malaking kontribusyon din ang mga Local Governments na nagpapatupad nito para makabawas sa polusyon at epekto nito.

--Ads--

Tanging ang hamon na lamang ay ang mga take-out sa mga food establishments.

Giit naman niya na hindi lang ang mga konsumer ang tanging may ambag sa polusyon kundi ang mga korporasyon naglalabas ng mga produktong may plastik.

Kaya oras na para baguhin ng mga ito ang kanilang packaging at gumamit na ng mga naaayon sa pangangalaga ng kalikasan.

Magsisimula rin ang paglaban ng mga konsumer sa nasabing polusyon sa kanilang sariling pamamahay sa pamamagitan ng maayos na segregasyon ng basura.

At hanggang sa maaari ay hindi lang single-use ang gagamitin upang maiwasan ang agarang pagtapon nito. Kabilang sa kanilang kinakampanyang alternatibong gamitin ay ang mga reusable containers.

Samantala, labis naman naniniwala ang ecowaste coalition sa pagtaas ng carbon na nagdudulot ng climate change.

Sa kabilang dako, hindi naman naniniwala si Sarmiento na Pilipinas lang ang may pinakamaraming basura sa karagatan dahil maaaring mula rin sa ibang bansa ang kalat at napunta lamang sa Pilipinas.