DAGUPAN CITY — Isang mapait na katotohanan.

Ito ang naging sentimyento ni Pablo Rosales, National Chairperson ng Pangisda Pilipinas, kaugnay sa pagtukoy ng National Anti-Poverty Commission sa mga magsasaka at mangingisda bilang pinakamahirap na sektor sa bansa.

--Ads--

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na ang kahirapan ng dalawang sektor na nagtataguyod sa paglikha ng pagkain ay isang matagal nang suliranin sa loob ng mahabang panahon. Aniya na batay sa inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority noon pa man, sinasalamin nito ang nagugutom na sektor ng pangisda at pagsasaka sa kabila ng pagbibigay nito ng makakain ng lipunan.

Saad nito na sa kasalukuyang kalagayan ng sektor ng pangingisda sa Pilipinas, sa halip na irehabilitate sana ng pamahalaan ang sitwasyon ng mga karagatan ng bansa ay patuloy lamang nila itong hinahayaang masira at gayon na rin ang patuloy nilang pagkait sa implementasyon ng mga programa at batas para maisaayos at mapanumbalik sa magandang estado ang kalagayan ng yamang tubig ng bansa.

Ani Rosales na ito ay isang malaking hamon sa mga mangingisda at magsasaka na dapat ipaglaban ng kanilang sektor ang pagtaguyod ng kanilang tungkulin na mapakain ang bayan at kuligligin ang pamahalaan na mayroon silang responsibilidad sa pagpapaunlad sa lokal na agrikultura kabilang ang mga palaisdaan at sakahan ng bansa.

Maituturin aniya itong hamon sa pamahalaan lalo ngayong humaharap ang bansa sa krisis sa pagkain at klima, na tumatawag sa isang maayos na programa na tutuon sa pagresolba ng mga suliraning ito lalo na ang mga may kaugnayan sa kalikasan na nagdudulot ng kahirapan sa hanay ng tagapaglikha ng pagkain.

Dagdag nito na maganda sanang matugunan ang mga suliraning ito, subalit noong una pa lamang aniya na pagkakatalaga kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. ay kaagad nilang napagtanto na isang malaking hamon ito para sa kanya, partikular na ang pagprayoridad sa interes ng mga mangingisda at magsasaka para sa ikauunlad ng bansa, at maging ang pagsasabatas ng mga programang matagal na dapat naipasa.

Aniya na ang isang simple lamang sana kasing pagpasa ng Republic Act No. 10654 o mas kilala bilang The Philippine Fisheries Code of 1998 na isang susing tungkulin ng pamahalaan sa paglalagay ng isang vessel monitoring measure sa mga commercial fishing vessel na pumapasok sa mga municipal water ay hindi pa rin tapos hanggang ngayon.

Pagbabahagi pa nito na nais nilang mapatunayan ng Kalihim na mali ang kanilang agam-agam na hindi nito uunahin ang interes ng sektor at dapat niyang ipakita na prayoridad nito ang pagtutok sa kagutuman at pagkawasak ng mga pangisdaan at ng naghihirap na agrikultura ng bansa.

Ani Rosales na ang namamayagpag na kahirapan ng sektor ng pangingisda at pagsasaka ay nananalamin sa nalalapit na pagkagutom ng lipunan kung hindi ito matutugunan, kaya nararapat lamang na seryosohin ng pamahalaan ang nararanasang krisis sa pagkain sa pamamagitan ng pag-aayos ng lokal na industriya ng agrikultura at pangisdaan para sa kapakanan ng taumbayan.

Samantala, sinabi nito na pagdating naman sa importasyon, aminado ito na sa kanilang hanay ay mayroon silang mga nahuhuli bagamat hindi ganoon karami. Subalit isa naman sa mga problema dito ay dahil sa kawalan ng consolidated na effort ng pamahalaan sa pagdala sa merkado ng mga huli ng mga maliliit na mangingisda.

Kaya naman ang kahirapan na ideneklara ng NAPC at PSA ay nagiging dahilan ng pagkasabi na naghihirap ang mga mangingisda sapagkat wala ng mahuli sa karagatan ng bansa.