BOMBO DAGUPAN – “May mga ilang bagay na sana ay nabigyang pansin o nabigyang diin”
Yan ang ibinahagi ni Tony Dizon Campaigner Ban Toxic kaugnay sa natapos na State of the Nation Address ni Pangulong Marcos Jr.
Aniya na isa sa mga isinusulong ng kanilang grupo ay ang paghihigpit sa pagpapasok ng mga school supplies sa bansa na may nakalalasong kemikal kung saan ang ilang mga produkto na naiuulat ay hindi rehistrado.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan na dapat aniya ay may regulasyon sa bansa gaya na lamang ng mas maigting na pagbabantay at paghihigpit ang kailangan ukol dito.
Kung saan mas inasahan nila ang konkretong hakbang na sana ay sasambitin ng Pangulo sa pagsusulong ng ligtas na produktong pangbata gaya na lamang ng mga kagamitan sa eskwela.
Kaugnay nito ay sana sa muling pagbubukas ng sesyon sa kongreso at senado ay maisama ito sa mga priority bills at mga batas na talagang kailangan natin.
Samantala, mainam na pinangunahan dapat aniya ng Department of Trade and Industry o Food and Drug Administration ang onsite inspection na kanilang ipinananawagan dahil kapag pumasok na sa merkado ang mga ganitong produkto ay mahirap ng alisin o masawata.
Nagpaalala naman ito sa mga consumer na mas maging mapanuri sa pagbili ng mga kagamitan sa eskwela ng kanilang mga anak upang maiwasan ang anumang hindi magandang insidente.