DAGUPAN CITY — Paghihiganti ang lumalabas na motibo ng suspek sa ginawa nitong pangho-hostage sa doktor ng isang klinika sa bayan ng Mangatarem.


Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Renan Dela Cruz, Public Information Officer, Pangasinan Police Provincial Office, sinabi nito na lumalabas sa kanilang isinagawng imbestigasyon na nangyari ang hostage drama sa Brgy. Calvo, Mangatarem kung saan ay nanloob ang suspek na kinilalang si Gerardo Placido Paquiz, 46-anyos, may asawa, security guard, at residente ng Brgy. Caoile Olegario ng naturang bayan, sa Umisem Dental Clinic at nagpanggap na pasyente ng biktima na kinilala namang si Dra. Kimberly Aquino Ragudo,44-anyos, isang dentista, may asawa, at residente ng Brgy. Baracbac, ng parehong bayan.


Saad ni PCapt. Dela Cruz na sinunggaban ng suspek ang biktima at tinutukan ito ng patalim sa kanyang leeg.
Kaagad namang inalerto ng mga concerned citizens ang kapulisan na nakatalaga sa Highway Public Assistance Desk (Hi-PAD) sa pangunguna ni PMaj. Arturo Melchor, Chief of Police ng nasabing pulisya, malapit sa pinangyarihan ng insidente at kaagad ding rumesponde ang mga ito.

--Ads--


Sinubukan pa nilang pakalmahin ang suspek, subalit hindi naman ito naging epektibo. Habang nakikipagnegosasyon sa suspek, nakakita ang mga rumespondeng pulis ng pagkakataon upang sawatain ang suspek na nagdulot naman sa kanyang pagkaka-aresto.


Kaagad namang dinala ng mga awtoridad ang biktima na nagtamo ng minor injuries sa pagamutan para sa paglunas at sa ngayon ay nakalabas na rin ito at nagpapagaling na sa kanilang tahanan.


Habang kasalukuyan namang nakapiit sa kustodiya ng Mangatarem Municipal Police Station ang suspek at nakumpiska rin ang patalim na ginamit nito na isang kitchen knife na may habang 14 inches.


Saad pa ni PCapt. Dela Cruz na sa pakikipagusap nila sa suspek, lumalabas na dala na rin ng depresyon at sama sa loob laban sa pamilya ng biktima dahil sa umano’y pagkakasala ng kapatid ng biktima sa anak ng suspek.
Lumalabas kasi na nag-file ng kaso ang suspek laban sa kapatid ng biktima kung saan nakasaad na naargabyado ng kapatid ng biktima ang anak ng suspek at bagamat tumatakbo naman ang kaso ay hindi nakapagtimpi ang supek kaya angdilim ang paningin nito at nagawa ang krimen.

Kaugnay nito ay nagpapasalamat naman ang Pangasinan Police Provicnial Office sa pamumuno ni PCol. Jeff E. Fanged sa publiko sa walang sawa nilang pagsuporta at pakikiisa sa pagreport ng naturang insidente at gayon na rin sa Temporary Custodial Facility ng Mangatarem Municipal Police Station sa mabili at matapang nilang pagresponde sa naturang insidente ng walang pagkawala ng buhay ng parehong suspek at biktima.


Tiniyak naman ng kapulisan ng lalawigan na nananatiling pangunahing prayoridad ang kaligtasan at seguridad ng komunidad at magpapatulot din ang kanilang walang pagod na serbisyo upang masiguro ang kaligtasan ng bawat mamamayan ng lalawigan.