DAGUPAN CITY- Karapatan ng mga libo-libong mga Pilipinong nalabag ang karapatan sa “drug wars” ng Administrasyong Duterte ang mahalagang pagtuonan ng pansin kaysa sa bangayan ng mga politiko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Carlos Conde, Senior Researcher ng Human Rights Watch, marami kase ang kumakalat ngayon na fake news at misleading na mga impormasyon hinggil sa kamakailang pagkakaaresto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte upang pagmukhaing nilalabanan ito ng kampo ng mga Marcos.
Aniya, dapat tandaan na ito ay tignan sa perspektiba ng mga libo-libong nabiktima sa nasabing kampanya ni Duterte na naghahangad ng hustisya.
Giit niya na tila nawalan pa kase ng silbi ang mga inosenteng buhay na nawala dahil hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy ang problemang nais tapusin ng kampanya.
Sinabi pa ni Conde na kung maaari lamang ay sa ating bansa na panagutin si Duterte subalit, napakabagal naman ng Criminal Justice System sa Pilipinas kung saan hindi ito pumapabor sa mahihirap.
Sa pamamagitan ng International Criminal Court (ICC), maliban sa mapapabilis ang pagkamit ng hustisya ay hahabulin din ang mga co-perpetrator ni Duterte, kabilang na dito si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na humihingi ng proteksyon sa senado.
At kung sa tutuusin pa aniya ay maswerte pa rin sila dahil dumadaan sila sa tamang proseso, kumpara sa mga nabiktima nila noon.
Gayunpaman, nakadepende pa rin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung ipapaaresto niya rin ang mga kasamahan ni Duterte. Kung gayunman, papalabasin lamang na binahiran niya ito ng politika upang labanan ang kampo ng mga Duterte.
Samantala, sinabi ni Conde na walang masama sa layunin ng ICC subalit, pagsubok para kay Marcos kung muli nitong ibabalik ang Pilipinas sa pagiging miyembro nito.
Subalit naniniwala si Conde na dapat nang bumalik ang bansa upang matugunan ang mga kaso ng paglabag sa karapatan ng mga tao na patuloy nangyayari.