Bagamat naghahanda na ang national government sa inaasahang epekto ng El Niño, kailangan pa ring palakasin ang mga konkretong hakbang upang matulungan ang mga magsasaka na maaapektuhan ng tagtuyot.

Ayon kay Johnny Jugo Paraan, Head ng Municipal Agriculture Office ng San Fabian, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, karaniwang naglulunsad ng mga programa ang national government, ngunit dapat itong mas maramdaman sa aktuwal na antas. Aniya, hindi dapat nauuwi lamang sa mga anunsyo ang mga programa kundi dapat agad na naipatutupad.

Iminungkahi ni Paraan sa provincial government na magpasa ng resolusyon at maglaan ng pondo para sa mga proyektong makatutulong sa sektor ng agrikultura. Kabilang dito ang pagtutok sa suplay ng tubig, pagkukumpuni ng mga sirang irrigation system, at pagbibigay ng high-value crops na hindi nangangailangan ng malaking suplay ng tubig.

--Ads--

Iginiit din niya ang pangangailangan para sa pangmatagalang solusyon dahil pansamantala lamang aniya ang financial at fuel subsidy at hindi lahat ng magsasaka ay nakatatanggap nito.

Ayon kay Paraan, medyo maayos pa ang sitwasyon ngayong buwan hanggang sa huling quarter ng taon, ngunit inaasahang mas mararamdaman ang epekto ng El Niño pagsapit ng unang quarter ng susunod na taon, na maaaring magresulta sa pagbaba ng produksyon at pagkalugi ng mga magsasaka dahil sa mataas na production cost.

.