DAGUPAN CITY- “Inutil na pag aksyon”
Ito ang naging pahayag ni Cathy Estavillo, ang spokesperson ng Bantay Bigas, patungkol ginawang aksyon ng gobyerno sa naging epekto ng El Nino sa bansa partikular na sa halos P1.7Billion pinsala sa palayan at kabuoang P2.6 Billion sa produktong Agrikultura.
Sa kaniyang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, katumbas nito ang 9,300 hectares na nasirang palayan, ayon sa kanilang datos, kapalit umano ito ng 74,700 metric tons na mga bigas.
Kaugnay nito, matagal na umano ang mga pangakong aksyon ng gobyerno ngunit ngayon lamang ang kanilang pagkilos, katulad ng pagatayo ng solar irrigation at cloud seeding.
Hindi naman aniya nakatutulong ang 2% na progreso lamang ng proyektong irrigation sa bansa taon-taon.
Hindi din aniya nakatutulong sa pagbaba ng presyo ng bigas ang patuloy na pag angkat ng tone-toneladang bigas sa ibang bansa.
Giit ni Estavillo, patunay lamang ito na walang konkreto solusyon ang gobyerno upang harapin ang mga kalamidad na nararanasan lalong lalo na sa mga magsasaka.
Lalo lamang din aniyang ibinabaon ng gobyerno ang mga magsasaka dahil sa patuloy na pagpapautang bilang tugon sa nasirang pananim.
Binigyang diin din niya na ayuda ang kinakailangan ng mga magsasaka upang makabawi mula sa pagkakalugi dulot ng kalamidad.