Tiniyak ni Ronn Dale Castillo, research and planning analyst ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Pangasinan na nagpapatuloy ang paghahanap sa labing apat na mga mangingisda na napaulat na nawawala matapos tumaob ang sinasakyang bangka sa karagatan ng Infanta, Pangasinan.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Castillo na inaasahan na maipagpapatuloy ang search and rescue operation ng Philippine Coastguard sa nasabing mga mangingisda sa pagbuti ng panahon.

Naging pahirapan ang ginagawang paghahanap dahil ilang gabi nang nakakaranas ng pag ulan dito sa probinsya.

--Ads--

Sa abiso ng PDRRMO Pangasinan, patuloy pa ring mararanasan ang paminsan-minsang pagbugso ng ulan.

Maaring mahina lamang subalit minsan may kalakasan dulot ng Habagat lalo na sa dakong hapon o gabi.

Sa inisyal na impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Dagupan, hatinggabi ng Miyerkules, October 7, tumaob ang F/B Aqua Princess na sinasakyan ng 16 na crew kabilang ang kapitan ng bangka na si Eddie Ariño makaraang makaranas ng matinding problema sa gitna ng laot.

Subalit, kahapon ng umaga lamang naiparating sa mga otoridad ang insidente matapos na makarating sa bayan ng Infanta ang dalawang nakaligtas na mangingisda na kinilalang sina Pedro Manalo Jr, 39 anyos at Jerby Regala 26 anyos na naatasang humingi ng tulong.

Ronn Dale Castillo, PDDRMO Research & planning Analyst

Nabatid naman kay Castillo na walang inilabas na gale warning ang PAG-ASA noong October 7.

Ibig sabihin ay maaliwalas pa ang panahon nang araw na pumalaot ang mga nawawalang mangingisda.