Umabot na sa ikatlong araw ang malawakang paghahanap sa 27 batang babae na nawawala matapos ang biglaang pagbaha na tumama sa isang summer camp sa Texas.
Habang patuloy na nahaharap sa banta ng karagdagang pagbaha ang mga rescuer matapos sumirit sa hindi bababa sa 51 ang bilang ng mga nasawi sa rehiyon.
Dahil dito nagbabala ang mga lokal na opisyal na maaaring tumaas pa ang bilang ng mga nasawi.
Sa kasalukuyan ay tuloy-tuloy ang search and rescue operations sa mga batang nawawala sa isang camp na malapit sa Guadalupe River.
Matatandaan na nagkaroon ng pagbaha sa ilog matapos bumuhos ang matinding ulan sa gitnang bahagi ng Texas noong Biyernes, na siyang pagdiriwang ng Independence Day sa Estados Unidos.
Ayon sa mga opisyal, higit sa 850 katao na ang nailigtas subalit hindi pa rin tiyak kung ilan pa ang nawawala sa lugar.