Dagupan City – Tila may kakaibang pamahiin ang paggunita ng bagong taon sa bansang Ireland.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jeffrey Camit – Bombo International News Correspondent sa Ireland, kung sa bansang Pilipinas ay hindi pwedeng “saktan” o ihampas ang tinapay dahil ito raw ay pambabastos sa biyaya. Sa Ireland, ito naman ang kanilang tradisyon, kung saan, tuwing sasapit ang bagong taon, inihahampas nila ang buttered bread sa kanilang pader bilang simbolo ng pag-alis ng malas.
Dagdag pa ang pag-hakbang bilang simbolo naman ng panibagong simula.
Isa naman sa mga nakasanayang gawin ng mga Irish people ay ang pagpunta sa dinarayong pasiyalan tuwing New Year sa Dublin, kung saan, dito isinasagawa ang countdown ng mga ito nang magkakasama at sabay papanoorin ang fireworks display.
Gaya naman sa Pilipinas, may mga aktibidad rin ang mga ito na maaring panoorin o lahukan, gaya na lamang ng concerts at shows.
Samantala, sa pagseselebra ng bagong taon, bagama’t malayo sa pamilya aniya, may kapalit naman itong maganda para sa kapakanan at kinabukasan ng kaniyang pamilya.