Hindi bababa sa 30 katao ang nasawi matapos gumuho ang malaking tambak ng basura sa isang pangunahing waste site at bumagsak sa mga kalapit na bahay sa Conakry, kabisera ng Guinea, ayon sa pamahalaan.
Nasugatan naman ang 22 katao, kabilang ang anim na malubha ang kondisyon, sa lugar ng Dar-es-Salam.
Ayon sa pamahalaan, nagpakalat na ng malaking bilang ng mga tauhan at kagamitan, kabilang ang mga sundalo, upang magsagawa ng search and rescue operation matapos ang pagguho dakong alas-2 ng madaling-araw, lokal na oras, kasunod ng malakas na pag-ulan buong gabi.
Isang babae naman ang nagsabi sa lokal na media na nasawi sa insidente ang kanyang limang anak. Pinangangambahang tataas pa ang bilang ng mga namatay habang nagpapatuloy ang search and rescue operation.
Nakita ang mga rescuer na gumagamit ng mga excavator upang halughugin ang malaking tumpok ng nagkalat na basura sa lugar, habang nagtipon naman sa paligid ang mga residente.
Personal na nagtungo sa lugar si Guinea Prime Minister Mamadou Oury Bah upang suriin ang sitwasyon at pangasiwaan ang mga operasyon sa paghahanap sa mga posibleng nakaligtas.
Nauna nang sinabi ni Lancine Sylla, lider ng komunidad, sa AFP news agency na nangangamba siyang marami ang magiging biktima.
Ayon sa kanya, 18 bangkay na ang nakuha at dinala sa punerarya.
Noong 2017, isa pang pagguho sa naturang lugar ang ikinasawi ng 10 katao.










