BOMBO DAGUPAN- Umabot sa 44% Pinoy ang naniniwala na gaganda ang kanilang buhay sa susunod na 12 na buwan kung saan ito ay batay sa Social Weather Stations survey na ginawa noong buwan ng Marso.
Ayon kay Sonny Africa Executive Director, IBON Foundation ay nakakatuwa kung ito ay kumakatawan sa pangkalahatan hindi lamang sa mga mataong lugar o mga subdibisyon ang pinuntahan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan aniya kung titingnan ang totoong takbo ng ekonomiya mahirap isipin na mangyayari ang nasabing pagganda ng buhay.
Bagamat ang economic growth sa bansa ay bumabagal at kung ang pangunahing pinagkukunan ng hanapbuhay ay ekonomiya at aniya ay bumabagal ito, nangangahulugan na hindi akma ang resulta ng survey.
Bukod pa diyan ay 1500 lamang ang kabuuan ng mga respondents sa nasabing survey.
Samantala, kaugnay naman sa P29 na bentahan ng bigas sa mga kadiwa stores aniya ay hindi ito sustainable dahil kalahating milyon lamang ang makikinabang at benepisyaryo nito.
Dapat aniya ay magkaroon ang gobyerno ng totoo, sincero at makabuluhang suporta sa mga magsasaka kung gustong maging mura ang bigas.
Kailangan ding palakasin ang pilipinong industriya dahil malaking bagay ito upang masolusyunan ang problema sa kahirapan, kagutuman at kakulangan ng trabaho sa bansa.