DAGUPAN CITY- Matinding ipinagbabawal ang paggamit sa pambansang watawat sa mga posters ng mga kumakandidato, lalo na ngayong campaign period.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eufemio Agbayani III, Historical Sites Development Officer II ng National Historical Commission of the Philippine, hindi sinusuportahan ng batas ang paglalagay ng kung ano man imahe o lettering sa watawat.
Aniya, hindi naman kailangan na gamitin ito upang ipakita ang kanilang pagmamahal sa bansa.
Maliban pa riyan, kung babaklasin ng Commission on Election (COMELEC) ang kanilang campaign poster ay parang ibinasura na rin ng komisyon ang watawat ng bansa.
Sinabi pa ni Agbayani na dapat isa-isip ang tamang pag-display ng watawat ng Pilipinas at hindi ito basta-bastang ginagamit o binabalandra lamang.
Tiyakin rin na ang paggamit nito ay hindi pagbabaliktad ng mga kulay nito.
Ang sinumang mahuhuling hindi susunod ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act no. 8491 o ang “Flag and Heraldic Code of the Philippines”, at mapapatawan ng pagkakulong.
Kaya kung may gagamit ng watawat sa kahit anong disenyo ay kinakailangan ipagpaalam muna sa kinauukulang ahensya.
Giit ni Agbayani, kailangan respetuhin ang watawat ng bansa dahil sa dala nito ang kasaysayan at pagkakakilanlan ng Pilipinas.