Nanawagan ang Federation of Free Farmers(FFF), ng mas malalim at seryosong imbestigasyon kaugnay ng umano’y paggamit ng mga “dummy importers” sa pagpasok ng bigas sa bansa, isang isyung tinalakay kamakailan sa Senate Committee on Agriculture.
Ayon kay Montemayor, Chairman ng nasabing grupo lumalabas sa pagdinig na may mga importer na nagsisilbing front lamang, at hindi umano direktang humaharap o umaamin sa kanilang partisipasyon.
Aniya, kapag dumarating na sa bansa ang mga inangkat na bigas, ito ay agad na itinuturn-over sa malalaking kompanya.
Saad nito na posibleng may umiiral na cartel o organisadong network sa likod ng katiwaliang ito.
Iginiit niya na kinakailangang magsagawa ng masusing imbestigasyon at tawagin ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang matukoy ang pananagutan at makapagsampa ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot.
Hindi rin nito inalis ang posibilidad na may ilang mambabatas o maging senador ang maaaring sangkot, na umano’y nagtatago sa likod ng mga dummy groups upang makaiwas sa regulasyon.
Binatikos din ni Montemayor ang aniya’y hindi maayos na pagpapatupad ng Anti-Economic Sabotage Law.
Ayon sa kanya, nananatiling mabagal ang aksiyon sa kabila ng mga alegasyon ng manipulasyon sa suplay at presyo ng bigas.
Dahil dito, hinimok niya ang pamahalaan na seryosohin ang pagpapatupad ng batas upang maprotektahan hindi lamang ang isang sektor kundi ang buong sambayanan.










