Patuloy na isinisilibra ng mga Pilipino ang Kapistahan ng Santo Niño, isa sa pinakamaagang kapistahang panrelihiyon sa Pilipinas.
Ayon kay James Benedict Malabanan – Administrative Officer ng San Sebastian Basilica Conservation and Development Foundation, Inc., sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kanya, nagsimula ang debosyon sa Santo Niño noong 1521 nang dalhin ni Ferdinand Magellan ang imahe nito sa bansa, at muling natagpuan sa Cebu noong 1565 sa panahon ng kolonisasyon ng mga Espanyol.
Mula nang maitayo ang unang simbahan sa Cebu, mabilis na lumaganap sa iba’t ibang panig ng bansa ang pagkilala sa Santo Niño bilang patron.
Sa kasalukuyang panahon, halos lahat ng parokya sa buong bansa ay mayroon mga Santo Nino actvities.
Maraming simbahan ang naglaan ng espesyal na araw ng pagdiriwang bilang parangal sa Banal na Batang Hesus.
Isinasagawa ang pista bilang pagpupugay sa banal na pangalan ni Poong Santo Niño sa pamamagitan ng mga prusisyon, sayawan, misa, at iba’t ibang anyo ng debosyon.
Bagama’t nagkakaiba-iba ang hitsura ng imahe at paraan ng pagdiriwang sa bawat lugar, iisa ang mensahe ng pananampalataya at pag-asa.
Sa kabila ng pagiging isang bata sa anyo, kinikilala ng mga deboto ang Santo Niño bilang Hari ng bansa na simbolo ng pananampalataya, kababaang-loob, at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.
Ang Kapistahan ng Santo Niño ay ipinagdiriwang tuwing ikatlong Linggo ng Enero bawat taon sa Pilipinas.
Pinakatanyag ang pagdiriwang sa Cebu, na kilala bilang Sinulog Festival, ngunit may mga kapistahan din sa iba’t ibang lalawigan at lungsod sa buong bansa.










