Binigyang-diin ni Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro na ang kasalukuyang hakbang ng House Committee on Justice ay hindi isang paglilitis upang tukuyin ang pagkakasala, kundi upang alamin lamang ang probable cause sa kinakaharap na impeachment process ni Vice President Sara Duterte.

Ginawa ng mambabatas ang paglilinaw kasunod ng hindi pagdalo ng Ikalawang Pangulo sa pagdinig na itinakda ngayong araw.

Ayon kay Luistro, mahalagang maunawaan ang limitasyon at mandato ng Kamara sa yugtong ito ng proseso. Ipinaliwanag niya na ang ginagawa sa mababang kapulungan ay isa lamang clarificatory hearing at malayo sa mismong trial na isasagawa sa Senado kung sakaling umusad ang reklamo.

Matatandaan na ang pagtukoy sa probable cause ang tanging magiging batayan ng komite kung may sapat na dahilan at ebidensya upang iakyat ang Articles of Impeachment sa Senado, na siyang tatayong impeachment court.

--Ads--

Sa kabila ng hindi pag-apela o pagharap ng Bise Presidente sa komite ngayong araw, nagpatuloy ang pagdinig upang himayin ng mga mambabatas ang mga batayan ng reklamo.