DAGUPAN CITY- Kinakailangan nang tapusin ng senado ang pagdinig kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil tila nagiging kwestyonable na kung nakabatay pa din ba ito sa konstitusyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Francis Dominick Abril, Legal/Political Analyst, dapat na ipakita ng senado sa kanilang senate inquiry na tinutugunan nila ang kanilang trabaho na pasok sa lehislatura.
Aniya, mas mabuting pagtuonan na nila ang mga mahahalagang pagdinig partikular na ang budget deliberation at ibigay na lamang sa Department of Justice o sa National Bureau of Investigation ang imbestigasyon.
Mayroon na din naman umanong mga dokumentong hawak ang Anti-Money Laundering Council na maaaring gamitin sa kaso ni Guo.
At sa pagtatapos ng pagdinig, sinabi ni Atty. Abril na mahalagang hanapin sa senado ang bill na kanilang nabuo kaugnay sa kanilang isinagawang pagdinig na makakatulong sa pagpapatibay ng batas sa bansa.
Samantala, kabilang sa karapatan ni Guo ang hindi pagsagot sa anumang katanungan ng senado upang maiwasan na gamitin laban sa kaniya ang kaniyang mga pahayag.
Bagaman gagawing limitado nito ang mga makukuhang dokumento ng mga law enforcement agency, hindi niya rin dapat iwasan ang mga hinahanap na kasagutan sa kaniya.
Hindi naman kase mahalaga kung may karelasyon ba siyang opisyal dahil magiging conspirator niya lamang ito kung napatunayang may umiral na pang-aabuso sa kapangyarihan o naging sangkot ito sa money laundering.
Dagdag pa ni Atty. Abril, maaari din dumalo si Guo sa imbitasyon ng Quad Committee, subalit siguraduhin lamang ng komite na hindi na naulit at iwasan ang paulit-ulit na pagtatanong.