Kinilala ng grupo ng ilang mga guro ang naging Senate hearing noong Lunes, Agosto 25, hinggil sa maanomalyang pagbili ng Depatment of Education (DepEd) ng mga overpriced at outdated na mga laptops sa pamamagitan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
Magugunita na umabot sa higit P2.4 bilyong piso ang nagamit ng kagawaran sa pagbili ng mga laptops para may magamit sana ang mga guro para sa Distance Learning na nagsimula noong kasagagan ng pandemya. Subalit, lumalabas naman sa mga nakaraang pagsusuri na mas mababa ang ibinigay na pondo ng DepEd, kumpara sa ginamit na pera ng PS-DBM sa mga naturang laptops.
Ayon sa panayam kay Teachers Dignity Coalition National Chairperson Benjo Basas, ay ikinatuwa ng kanilang grupo ang ginawang aksyon ng senado dahil mayroon na kahit papaanong development ang isyung ito, at inaasahan na rin nila na magkakaroon na rin ng House Hearing hinggil pa rin dito.
Dagdag ni Basas na maganda ang ganitong hakbang ng gobyerno dahil makikita at mabibigayang linaw na kung sino nga ba sa dalawang ahensya ang dapat na managot sa maanomalyang pagbili ng mga overpriced at outdated laptops para sa mga guro.
Binigyang-diin nito na mailalabas na rin sa publiko kung paano ang naging proseso ng DepEd at PS-DBM sa pagbili ng mga nasabing gadgets dahil hindi katumbas nang binayaran ng gobyerno at mga taxpayers ang nabiling mga produkto na napakinabangan sana ng mga guro ng bansa.
Saad pa ni Basas na dapat ay mabuting masuri ng senado kung sinu-sino ang sangkot sa pagbili ng mga overpriced laptops upang mapanagot ang mga ito, sa kabila na rin ng mariing pagtanggi at pagtuturuan ng magkabilang panig, dahil makikita at lumalabas sa initial investigation na mayroon talagang lapses ang mga dating namumunuhan sa DepEd at PS-DBM.
Dagdag pa nito na hindi naman pwedeng maniwala sa sinasabi ng PS-DBM na tumaas ang presyo ng laptop dahil mataas din ang demand dito, datapwat may inilaan na price range ang DepEd para sa mga biniling gadgets, dahil hindi naman ito tulad ng ibang produkto gaya ng mga pagkain.
Matatandaan na una na ring nasangkot ang PS-DBM noong nakaraang 2020 hinggil sa pagbili ng hindi standard na PPEs para sa mga healthworkers ng bansa.