Dagupan City – Walang saysay ang pagdedeklara ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa buwan ng Hulyo bilang ‘Philippine Agriculturist’ sa bansa kung wala namang aksyon.
Ito ang binigyang diin ni Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa umano’y pahayag ng pangulo na iseselebra na ito sa hulyo kada taon bilang pagkilala sa dedikasyon ng mga magsasaka at pagbibigay kamalayan sa sektor ng agrikultura.
Kung saan ayon sa pangulo ay magsisilbi itong daan sa pagbibigay ng kaalaman tungkol sa kahalagahan ng sektor ng agrikultura na magpapalakas sa ‘nationwide agricultural productivity at competitiveness’.
Ani Estavillo, gumawa ng hakbang ang pamahalaan na magpapalago sa kanilang sektor dahil kahit araw-arawin pa aniya ang selebrasyon kung wala namang aksyon at tulong sa pagpapalawak sa sektor at lokal na produksyon ay wala rin itong magiging saysay sa mga magsasaka.