DAGUPAN, CITY— Kinondena ng ACT-Teachers Partylist ang anunsyo ng Commission on Higher Education (CHED) ukol sa pagdeklara na magiging bagong ‘new normal’ mode of learing and teaching na ang flexible learning sa mga college students sa bansa.


Ayon kay Rep. France Castro, kinatawan ng naturang partylist, maganda sana umanong ideya ang naturang paraan ng pagtuturo at pagkatuto ngunit tila kulang umano sa assessment ang naturang tanggapan sa kasalukuyang sitwasyon ng mga guro at mga estudyante lalo ngayong panahon ng pandemya.

Aniya, dapat ay mayroong suporta at pondo ang naturang ahensiya upang tugunan ang lahat ng kasalukuyang problema ng mga estudyante at guro sa bagong pamamaraan ng pagtuturo.

--Ads--


Iminungkahi din ng naturang kongresista na bigyang konsiderasyon ng naturang ahensiya ang pagsasagawa ng face to face classes sa ilang mga piling lugar kung saan mababa ang kaso ng COVID-19 kung saan limitado lamang muna ang bilang mga estudyante at limitadong oras ng klase basta’t masunod lamang ang mga ipinapatupad na health protocols.

Nararapat din umano na mabakunahan na rin ang mga estudyante at mga guro nang sa gayon ay magkaroon ng proteksyon ang mga ito laban sa pandemya upang maisakatuparan na ang nabanggit na hakbang.


Dagdag pa rito, kwinestiyon din ni Castro kung saan umano hinugot ni CHED Chairperson Prospero “Popoy” de Vera ang kanyang batayan upang ideklara ang naturang anunsyo.