DAGUPAN CITY — Inaantabayanan na ang pagdating ni Pangulong Rodrigo Duterte anumang oras ngayong araw, Hulyo 28, upang personal na suriin ang situwasyon ng mga kababayan natin sa lalawigan ng Batanes matapos na tamaan ng magkasunod na lindol.


Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Batanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office head Roldan Esdicul, na pinaghahandaan na nila ang pagdating ng Pangulo sa kanilang lugar.


Bagamat, naging matipid na ito sa pagbibigay pa ng karagdagang detalye sa pagtungo ni Duterte doon.

--Ads--
Bahagi ng panayam kay Batanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office head Roldan Esdicul, sa programang Good Morning Philippines (GMP) ng Bombo Radyo Dagupan


Una rito, inihayag ni Executive Secretary Salvador Medialdea na sigurado itong dadalaw ang Pangulo nang matanong kung bibisitahin ba ng Punong Ehekutibo sa Batanes matapos yanigin ng dalawang magkasunod na lindol ang probinsyal kung saan labis na napinsala ang bayan ng Itbayat.


Ayon sa Phivolcs, nagsimula ang pagyanig bandang 4:16 ng madaling araw ng Sabado, Hulyo 27 na naitala sa magnitude 5.4. Sinundan ito ng isa pang magnitude 3.2 makalipas ang 1 oras, bago naitala ang “main shock” na pumalo sa magnitude 5.9 bandang alas-7 ng umaga.