DAGUPAN CITY- Pinaghahandaan na ng Alaminos City Tourism and Cultural Affairs Office (ACTCAO) ang inaasahang pagdating ng international cruise ships sa 2027 hanggang 2028, bilang opisyal na pagsama sa Hundred Islands National Park sa mga port of call ng Compagnie du Ponant Cruise Lines.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rey Livara, Tourism Operation Officer II, Alaminos City, kasama ang Tour Operator Port Agent, nagsagawa na sila ng ocular inspection at informal meeting upang pag-usapan ang mga plano sa pagdating ng nasabing cruise ship.

Ayon kay Livara, napag-usapan din ang mga magkakasunod na aktibidad para sa mga turistang sakay ng cruise ship, tulad ng panoramic tour, pagbaba sa Pilgrimage Island, mga aktibidad na maaaring gawin sa Marcos Island, at marami pang iba.

--Ads--

At sa pagdating ng cruise ship, nakahanda na umano ang mainit na pagtanggap ng syudad sa mga sakay nito at ang mahigpit na seguridad ng mga ito.

Kanilang nakikita na makakatulong ito sa pagpapabuti ng turismo at ekonomiya ng buong bansa.

Maipapakilala rin nito ang mga lokal na serbisyo at produkto ng Alaminos City, tulad ng E-kawayan at mga tour guides, sa mga turistang bibisita sa syudad.

Binigyan halaga naman niya ang buong paghahanda ng kanilang tanggap sa nasabing pagbisita upang matiyak ang maayos at mabuting serbisyo sa mga turistang sakay ng cruise ship at mapanatili na mapabilang ang Hundred Islands National Park sa mga port of call ng Compagnie du Ponant Cruise Lines.

Tiniyak naman ni Livara na hindi nito maaapektuhan ang pagbisita ng iba pang mga turista mula kalapit bayan at lalawigan sa nasabing lugar.