DAGUPAN CITY- Pinaghahandaan at inaasahan na ang paglandfall ng Bagyong Kong-rey sa Taichung, sa southern Taiwan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Othman Alvarez, Bombo International News Correspondent sa naturang bansa, maaga pa lamang ay nakakatanggap na sila ng abiso mula sa mga kinauukulan sa pamamagitan ng phone notifications.

Aniya, kabilang sa laman ng mga pag-abiso ay ang banta ng pagbaha at paglandslide, gayundin ang mga kanselasyon ng pasok sa paaralan at trabaho.

--Ads--

Bagaman matibay naman ang mga kabahayan sa Taiwan at hindi gaano problema ang malakas na hangin, subalit ang pagbaha ang kadalasan nilang nararanasan.

Kaya kung maaari, sinasabihan na rin silang i-parking ang kanilang mga sasakyan sa mataas na lugar upang mabawasan ang maaaring pinsala.

At habang malayo pa ang bagyo mula sa kalupaan, tinitiyak na nilang may sapat silang stock ng mga pagkain at iba pang pangangailangan upang hindi na ito maging problema sa oras ng pananalasa ng bagyo.

Kaugnay nito, sinabi ni Alvarez, hindi malabong nagkakaroon ngayon ng panic buying lalo na sa lugar na tatamaan ng bagyong Kong-rey.

Samantala, nakakaranas na sila ng pag-ulan at malakas na pagbugso ng hangin dulot na rin ng bagyo.