Dagupan City – Patunay na lumalala na nga ang krisis sa edukasyon dahil sa pagdami ng ‘Low-Emerging Readers’.

Ito ang binigyang diin ni Arlene James Pagaduan, Presidente ng Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers (ASSERT) sa naging panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Dagupan.

Aniya, isa nang alarming indicator ang patuloy na pagdami ng mga mag-aaral na hirap sa pagbasa—na malinaw na patunay ng lumalalang kalagayan ng edukasyon sa bansa.

--Ads--

Ani ni Pagaduan ang kahalagahan ng pagbasa na may pag-unawa o reading with comprehension ay ang pundasyon ng epektibong pagkatuto.

Kung kaya’t kinakailangang unawain kung ano talaga ang pangangailangan ng mga estudyante sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang na ang pagpapatupad ng mga sistematikong programa upang matugunan ang kanilang kakulangan sa pagbasa.

Batay kasi sa datos aniya isa sa bawat tatlong mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 3 ay itinuturing na ‘low-emerging reader’—mga batang hirap pa rin sa pagbasa sa kabila ng mga taon ng pag-aaral.

Ayon kay Pagaduan, isa sa mga nakikitang dahilan nito ay ang kawalan ng interes ng mga bata sa pag-aaral, pati na rin ang mahinang study habits, na nagdudulot ng malaking pagkawala sa kanilang potensyal.

Kung babalikan din kasi aniya ang mga nakaraang taon, may mga disciplinary actions noon upang itama at gabayan ang mga mag-aaral, subalit kung ikukumpara ngayon ay nawawala na ang awtoridad ng mga guro para tulungan silang matuto.

Samantala, patuloy naman aniya ang kanilang panawagan ng ASSERT para sa Salary Grade 20 para sa mga guro, bilang tugon sa tumataas na gastusin.