Patuloy na hamon para sa mga tricycle driver sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan ang pagdami ng mga kolorum na pumapasada sa kanilang lugar.
Ayon kay Eduardo C. Benitez, pangulo ng Ban Tricycle Operators and Drivers Association o Ban TODA, may mga kolorum na tricycle na naman umanong nahuli ngayong araw sa kanilang ruta.
Dahil dito, muling naramdaman ng mga lehitimong driver ang epekto ng hindi patas na pamamasada.
Ipinaliwanag ni Benitez na mahigpit silang sumusunod sa mga regulasyon at kumukuha ng kaukulang permit upang makabiyahe nang legal.
Ngunit sa patuloy na operasyon ng mga kolorum, nababawasan aniya ang kita ng mga dumaan sa tamang proseso.
Karamihan sa mga kolorum na tricycle ay galing pa umano sa mga karatig-bayan gaya ng Mapandan at San Fabian.
May ilan din umanong nagmumula mismo sa loob ng Mangaldan.
Bagamat hinigpitan na ng POSO Mangaldan ang inspeksyon sa mga kolorum na tricycle tila hindi pa rin umano nababahala ang mga ito dahil patuloy pa rin sa pamamasada kahit walang kaukulang permit.










